Nananatiling kalmado si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa diumano’y mga pag-endorso na ibinibigay ng iba’t ibang organisasyon at grupong panrelihiyon sa kanyang karibal sa pwesto sa pagkapangulo, tunay na naniniwala ang alkalde na ang pinakamahalagang endorso pa rin sa lahat ay ang suporta mula sa ordinayong mamamayang Pilipino.
Nagbigay ng pahayag ang 47-anyos na presidential aspirant nang tanungin ang kanyang reaksyon pagkatapos i-endorso ng religious group na El Shaddai ang presidential bid sa dating senador at anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Ang pinakamahalagang endorsement na gusto kong makuha ay si ordinaryong Juan dela Cruz, si Petra, si Maria, yung mga tao sa kalsada, yung mga tao sa bahay, yung mga taong tunay na sasali upang iluklok ang kanilang pangulo,” pahayag ni Moreno noong Linggo sa isang interview bago simulan ang “Team Isko” motorcade sa Pasay City.
“So yun ang gusto kong endorsement, endorsement ng taongbayan. I am not bothered, basta ang importante, andiyan ang taongbayan, nandiyan yung silent majority, nararamdaman namin sila, masaya na po kami,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Moreno na hindi siya nababahala sa kamakailang mga presidential survey na sinasabing siya ay nahuhuli dahil para sa kanya nasa taumbayan pa rin manggagaling ang desisyon o ang final judgment.
“Nakita niyo naman, ipinagpapasalamat ko, yung taongbayan mismo ang gumagastos pag nagmo-motorcade kami. Binibigyan kami ng pagkain, tubig, rosary, mga religious items, bulaklak, gumagastos talaga sila. So, very heartwarming,” sabi ni Moreno.
Saan man dumaan ang motorcade ni Moreno, libo-libong ang sumisigaw, nagbubunyi at mainit ang pagtanggap sa kanya ng kanyang mga tagasuporta. Katulad ng nangyari sa Manila, Rizal, Laguna, Navotas, Malabon at Quezon City, nakita sa motorcade ng Team Isko-Doc Willie sa Pasay City ang mga residenteng nagtitipon-tipon upang magsaya at magpahayag ng kanilang buong suporta sa Bilis Kilos, Moreno-Ong tandem.