Nanindigan si Mayor francisco “Isko” Moreno na hindi nito babaguhin o ihihinto ang inilabas na Executive Order No. 42 hinggil sa pagpapatigil ng mandatoryong pagsusuot ng face shield sa lungsod ng Maynila.
Ito ang naging pahayag ni Mayor Isko hinggil sa sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairman Benhur Abalos na nagkaroon ng miscoordination kaya napaaga ang paglalabas ng EO ng alkalde.
Matatandaan na ayon pa kay Abalos, nagkataon na wala raw si Mayor Isko noong nag-meeting ang Metro Manila Council (MMC).
Pero iginiit ni Abalos na wala naman daw mali sa ginawa ng local chief executive dahil mangyayari naman ang pagluluwag sa mandatoryong pagsusuot ng face shield.
Ibinahagi naman ni Mayor Isko na maging ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ay sinusuportahan ang naging desisyon nito hinggil sa isyu ng pagsusuot ng face shield.
Una na ring ipinaliwanag ng alkalde na base sa local government code, saklaw ng kapangyarihan ng mga lokal na opisyal na pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mamamayan lalo na ngayong nasa gitna ng pandemya ang bansa.