Media Workers’ Welfare Act, lusot na Mababang Kapulungan

Sa botong pabor ng 252 mga kongresista ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ang House Bill 454 o Media Workers’ Welfare Act na titiyak na naibibigay ng media companies at networks ang tamang kompensasyon at benepisyo sa mga manggagawa sa mga media industry.

Kasama rito ang tamang pasahod, security of tenure, hazard at overtime pay, insurance at iba pang benepisyo tulad nang Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Pag-IBIG.

Iniuutos din ng panukala na ang entry-level position ay makatatanggap ng hindi bababa sa minimum wage compensation na itatakda ng National Wages and Productivity Commission o kaya ay Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.


Base sa panukala, dapat gawing regular employee ang media worker na naka-anim na buwan na sa trabaho.

Itinatakda rin ng panukala ang pagkakaroon ng P200,000 death and disability benefits at P100,000 medical insurance benefit para sa mamamahayag gayundin ang dagdag na P500 na dagdag-sahod sa media na magco-cover sa delikadong ganap o sitwasyon.

Sa ilalim ng panukala ay bubuo ng isang News Media Tripartite Council na siyang titiyak na nasusunod ang pagbibigay proteksyon sa mga taga-media.

Facebook Comments