Nakahandang ipagamit ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang 3 malalaking bagong tayong evacuation centers para sa mga inilikas na residenteng apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.
Sa ulat ni DHSUD Sec. Eduardo del Rosario sa Talk to the People (TTTP) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sinabi nitong matatagpuan ang tatlong bagong evacuation centers sa munisiplidad ng Mataas na kahoy, Sta. Teresita at Alitagtag.
Sa katunayan, ngayong araw aniya ang turn over nila sa bagong evacuation centers sa mga Local Government Unit (LGUs) at pwede na itong mapakinabangan ng mga apektadong residente.
Maliban dito, sinabi ni Del Rosario na may available rin silang 1,123 temporary housing units na kayang makapag-accommodate ng higit 5,600 na indibidwal sa mga munisipalidad ng Ibaan at Talisay sa Batangas, gayundin sa Tiaong at Real sa lalawigan naman ng Quezon.
Sa panig naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mayroon din silang nakahandang evacuation centers sa Tanauan, San Pascual, San Juan, Sto. Tomas, Lobo, Bauang Batangas; Sta. Rosa sa Laguna, gayundin sa Carmona at Imus sa Cavite.