Nabawasan umano ang purchasing power ng mga public school teacher na nasa entry-level dahil sa inflation.
Ito ang inanunsyo ng Alliance of Concerned Teachers o ACT, dahil sa pagpalo ng 7.7% na inflation rate nitong buwan ng Oktubre.
Ayon kay ACT Chairperson Vladimer Quetua, halos nabawasan ng 3,826 pesos kada-buwan o 175.55 pesos kada-araw ang buwanang sweldo ng isang guro na sumasahod ng 25,439 pesos.
Paliwanag pa ni Quetua, simula 2018 ay nakatanggap ng higit P5,000 na increase ang mga guro na may Teacher 1 position.
Pero dahil sa inflation ay nabawasan ito ng 73% na kung tutuusin ay P1,397.76 lamang ang tunay na natamasang umento ng Teacher 1 sa kanilang buwanang sweldo, o P25 kada araw.
Dagdag pasakit pa ito sa mga guro dahil karamihan sa mga ito ay baon sa utang kaya umaabot na lang sa Php5,000 kada buwan ang naiuuwi ng isang guro.
Naniniwala ang ACT na nasa kamay ng gobyerno ang kapangyairhan para magpatupad ng umento sa sahod at ibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga buwis.