Nananatiling grounded ang mga helicopter ng Philippine National Police (PNP) matapos ang nangyaring pagbagsak ng PNP Airbus H125 helicopter sa Real, Quezon noong February 21.
Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, mananatiling grounded ang mga chopper habang isinasagawa ang imbestigasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para malaman ang sanhi ng insidente.
Nilinaw naman ni PNP chief na hindi ito makakaapekto sa mga operasyon ng PNP dahil maari niyang payagang lumipad ang mga ito kung kakailanganin.
Kasabay rin aniya ng imbestigasyon ng CAAP, nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang PNP para malaman kung may mga kailangang baguhin sa kanilang polisiya sa paggamit ng mga helicopter.
Matatandaan na susunduin sana ng nasabing helikopter si PNP chief sa Quezon para ihatid sa Camp Crame para sa lingguhang flag raising ceremony nang mangyayari ang insidente.