Away politika, tinitingnan motibo ng PNP sa pamamaril sa isang kandidato sa Misamis Occidental

Hindi isinasantabi ng Philippine National Police (PNP) ang anggulong away politika sa pamamaril sa isang mayoralty candidate sa Bayan ng Calamba, Misamis Occidental.

Ayon kay PNP Chief PGen. Dionardo Carlos, bagama’t masyado pang maaga para sabihing may kinalaman sa politika ang insidente, hindi nila inaalis ang posibilidad na may kinalaman ito sa politika dahil kandidato ang biktima.

Kinilala ang biktima na si George Matunog Jr., na pauwi sa kaniyang bahay kahapon nang barilin ng naka-motorsiklong suspek na nakasuot ng dilaw na jacket.


Tinamaan sa pisngi ang biktima, at agad ding naisugod sa Calamba District Hospital na ngayon ay kasalukuyang nagpapagaling.

Sinabi ni Carlos, dahil sa insidente, pinag-aaralan ng PNP ang sitwasyon sa bayan ng Calamba lalo’t papalapit na ang pagsisimula ng kampanya para sa mga lokal na kandidato.

Facebook Comments