Mga inilikas sa Maynila dahil sa bagyo, nagsisiuwian

Nagsisimula nang umuwi sa kanilang tahanan ang mga residente sa ilang lugar sa Tondo, Maynila partikular sa Brgy. 20, Brgy. 105 at Brgy. 128 na inilikas kanina dahil sa masamang lagay ng panahon dulot ng Bagyong Jolina.

Base ito sa pinakahuling impormasyon mula sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Kanina ay umabot sa 100 pamilyang naninirahan sa Brgy. 20 ang inilikas at 100 pamilya rin sa Brgy. 105 pero ngayon ay bumalik na sila sa kani-kanilang tahanan.


Hindi na rin natuloy ang nakatakdang paglilikas kaninang alas-5:00 ng hapon sa mga residente sa Baseco.

Ayon sa MDSW at MDRRMO, bumaba na ang tubig sa nabanggit na mga barangay habang sa Baseco Beach naman ay normal na ang sea level.

Bukod dito ay wala na ring binabahang lugar sa Maynila na ngayon ay dumaranas na lamang ng mahinang ulan o pag-ambon.

Facebook Comments