Napuno ng iba’t ibang militanteng grupo ang Plaza Miranda upang ipanawagan ang mga hinanaing mula sa iba’t ibang sektor.
Pinangunahan ng grupong BAYAN ang kilos protesta kung saan isang kotse ang nagsilbing entablado.
Ayon kay Renato Reyes na pinuno ng grupong BAYAN, hindi basta unity lang at kung anu-anong pangako ang sagot sa paghihirap ng taong bayan.
Dahil dito, hinamon nila si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na solusyonan ang problema sa pagtaas ng gasolina at bilihin.
Hinamon din nila si Marcos na itaas ang sahod ng mga manggagawa hanggang sa ₱25,000 kada buwan at itigil ang kontraktwalisasyon.
Nagkaroon din ng panunumpa ang mga militanteng grupo.
Ayon sa kanila, patuloy nilang pananagutin ang pamilya Marcos sa pang-aabuso at krimen sa panahong diktadura, pagbawi sa nakaw na yaman, pagsingil sa ₱203-B state tax, paglaban sa karapatan ng bawat Pilipino, paglaban sa pagbabaluktot sa kasaysayan at hindi paglimot sa martial law.
Sa ngayon, nananatiling payapa ang kilos protesta ng mga militanteng grupo habang nakaantabay ang pulisya para sa seguridad.
Kasabay ng ingay sa Plaza Miranda, tuloy-tuloy pa rin ang banal na Misa sa Quiapo Church.