Mga Pinoy sa Amerika, pinag-iingat sa Hurricane Ian

Pinag-iingat ngayon ng Embahada ng Pilipinas ang mga Pinoy na naninirahan sa mga lugar na dadaanan ng Hurricane Ian sa Amerika.

Batay sa inilabas na advisory ng Philippine Embassy sa Washington, pinayuhan ang ating mga kababayan na i-monitor ang galaw ng bagyo, mag-ingat at paghandaan ang hagupit nito at sumunod sa mga babala ng mga lokal na opisyal.

Ang Hurricane Ian ay naglandfall sa South Carolina, biyernes ng hapon, oras sa Amerika o kaninang umaga sa Pilipinas matapos na manalasa sa Florida bilang Category 4 hurricane.


Sa ngayon napanatili ni Hurricane Ian ang lakas ng hangin na nasa 140 kph bilang Category 1 hurricane, batay sa US National Hurricane Center.

Kumikilos ito papuntang eastern Southern Carolina at central North Carolina ngayong weekend.

Para sa mga Pinoy na nangangailangan ng tulong, maaaring tumawag sa Philippine Embassy sa numerong (202)368-2767 o (202)769-8049.

Facebook Comments