Sinibak na sa puwesto ang pinuno at miyembro ng Manila Police District -District Police Intelligence Operations Unit (MPD-DPIOU), kasunod nang pagkakasangkot ng limang tauhan nito kasama ang isang sibilyan sa robbery extortion sa isang computer shop sa Sampaloc, Maynila.
Ayon kay MPD Director PBGen. Andre Dizon, dinis-armahan na rin ang 22 kagawad ng nasabing operatiba na pinamumunuan ni Police Captain Rufino Casagan.
Kabilang din sa mga na-relieve ay sina:
– Police Staff Sergeant Ryann Paculan,
– Police Staff Sergeant Jan Erwin Isaac,
– Police Corporal Jon Cabucol,
– Patrolman Jhon Lester Pagar,
– Patrolman Jeremiah Pascual,
– at isang Menay Santos.
Batay sa ulat ng station commander ng MPD Station 4 na si Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, itinuro ang mga nasabing pulis sa extortion noong alas-11:20 ng gabi ng July 11, nang pasukin ng mga ito ang isang computer shop sa Matimyas Street na pag-aari ni Herminigildo dela Cruz.
Upang hindi maaresto, hiningan ng ₱40,000 ng mga nasabing pulis si Dela Cruz at bago umalis ang mga pulis ay tinangay pa ang ₱3,500 na pera sa counter at ang hard disk drive na naglalaman ng CCTV footage sa lugar.
Dahil dito, nagbabala si General Gen Dizon laban sa 14 na station commanders at mga pinuno ng mga operatiba na tatanggalin sa puwesto at mahaharap sa kaso ang sinumang pulis na masasangkot sa katiwalian.