Umabot na sa 9,126 ang reklamong natanggap ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kaugnay sa pamimigay ng ayuda ng pamahalaan.
Sa interview ng RMN Manila kay PACC Chairman Greco Belgica, sinabi nito na nakakaalarma ang paglobo ng bilang ng mga nagrereklamo kaya nagpatawag na siya ng pagdinig sa susunod na linggo.
Dito, pagpapaliwanagin aniya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung anong nangyari.
Noong nakaraang taon, tumanggap din ang PACC ng 9,000 reklamo ukol naman sa distribusyon ng ‘Special Amelioration Package” na nagkakahalaga ng P8,000 kada benepisyaryo.
Matatandaan na naglabas ang pamahalaan ng ₱22.9 bilyong pondo para mabigyan ng ayuda ang mga mahihirap na mamamayan makaraang muling ibaba ang ‘Enhanced Community Quarantine (ECQ)’.