Kaliwa’t-kanan ang isinagawang miting de avance ng ilang kandidato sa pagkapangulo at pangalawang pangulo kasunod ng huling araw ng pangangampanya kahapon, May 7.
Isinagawa ng tandem nina Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan ang kanilang miting de avance sa makasaysayang Ayala Avenue sa lungsod ng Makati.
Dito ay nagkulay-rosas ang kahabaan ng Ayala avenue, Makati avenue at Paseo De Roxas na siyang isinara upang magbigay-daan sa mahigit 780,000 dumalo sa pagtitipon.
Dinumog naman ng mga taga-suporta nina Ferdinand “Bongbong” Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte ang miting de avance ng Uniteam sa isang bakanteng lote sa tapat ng Solaire sa Parañaque City.
Bigo namang magpakita si Pangulong Rodrigo Duterte sa UniTeam event matapos itong imbitahan ng naturang kampo na siyang dinaluhan umano ng 1 milyong supporters.
Hindi naman nagpatinag ang tandem nina Manila Mayor Isko Moreno at Doc Willie Ong na nagsagawa ng kanilang miting de avance sa Moriones, Tondo.
Sa huling pagkakataon ay nagbitaw ito ng mga patutsada partikular sa katunggali nito na si Vice President Leni Robredo.
Isinagawa naman ni Senator Manny Pacquiao ang kanyang miting de avance sa kaniyang hometown sa General Santos City kung saan hindi nakadalo ang kaniyang running mate na si Deputy Speaker Lito Atienza dahil nagpapagaling ito sa kaniyang knee surgery.
Dito ay kinalampag ni Pacquiao ang mga naglalabsang survey kung saan ito ay naiiwanan ng kaniyang mga katunggali sa pagkapangulo sa kabila ng mataas na bilang ng nagparehistro sa kaniyang housing program.
Hindi naman nagsagawa ng tradisyunal na miting de vance ang tandem nina Senator Panfilo Lacson at Senate President Tito Sotto.