Ipinababalik sa dating pangalan ang pambansang paliparan ng bansa na Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa House Bill 10833 na inihain ng Duterte Youth Partylist ay ipinababalik sa Manila International Airport o MIA ang kasalukuyang NAIA.
Katwiran sa panukala, ang pangalan ng “international gateway” ng bansa ay hindi dapat napopolitika.
Maalalang pinatay si dating Senador Ninoy Aquino sa paliparan noong August 21, 1983 at sa panahon ng administrasyon ng kanyang may-bahay na si dating Pangulong Corazon Aquino noong 1987 ay naisabatas ang Republic Act 6639 para baguhin ang pangalan ng airport bilang NAIA.
Pinuna pa na ito ay “self-serving at highly-politicized act”.
Iginiit naman sa panukala na mas madali umano para sa mga dayuhan at turista na mahanap ang ating bansa at ang international gateway kung ito ay nakapangalan alinsunod sa capital o kabisera ng Pilipinas.
Naniniwala rin ang may akda na kung tatawagin muli bilang Manila International Airport ang paliparan, mas magbibigay ito ng “sense of national pride” para sa milyong-milyong Pilipino.