NPA na suspek sa pagpatay sa dalawang katutubo, naaresto ng PNP sa Agusan del Norte

Nahuli ng mga tauhan ng pulisya at militar ang isang miyembro ng New People’s Army na sangkot sa pagpatay sa dalawang miyembro ng Manobo tribe noong March 19, 2020 sa Sitio Inadan, Brgy Magroyong, San Miguel, Surigao del Sur.

Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, ang naarestong NPA ay kinilalang si Rogelio Balansag De Asis, alyas Dhudz, Chairman ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA-Caraga) at miyembro ng Regional White Area Committee (RWAC) sa ilalim ng Regional United Front Committee.

Siya ay naaresto ng mga pulis at sundalo sa Purok 2, Barangay Matabao, Buenavista, Agusan del Norte kagabi.


Sa ulat ni PNP Chief, si De Asis ay isa sa mga suspek sa pagpatay kay Zaldy Acidillo Ybañez at Datu Bernandino Astudillo, mga miyembro ng Manobo tribe at mga dating miyembro ng New People’s Army.

Sa report ng pulisya, sila ay dinukot ng mga NPA kasama si De Asis sa kanilang mga bahay at brutal na pinagsasaksak ng ilang beses gamit ang sundang.

Tiniyak naman ni Sinas na hindi titigil ang PNP sa pagtugis sa mga indibidwal na may pananagutan sa batas.

Facebook Comments