Hinuli ng mga tauhan ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group Special Operations Unit 4 (PNP-DEG-SOU 4) ang kanilang sariling opisyal dahil sa estafa at iligal na pagsusugal.
Batay sa ulat ng PDEG, kinilala ang suspek na si PLt. John Kevin R. Menes, ng PDEG-Police Regional Office 4A, na dating ginawaran ng parangal kaugnay ng kampanya kontra sa iligal na droga.
Nahuli si Menes habang naglalaro ng e-sabong sa Pitmasters Live OCBS Nagtahan, sa Ramon Magsaysay Blvd., Sta. Mesa, Manila kahapon.
Siya ay inaresto matapos tangayin ang sasakyan ng kaniyang tauhan na si Pat. Melvin Bojocan Barbo, at isinangla sa halagang P170,000 para umano ipang-taya sa e-sabong.
Inireklamo si Menes ng estafa ng pinagsanglaan niya ng sasakyan, matapos itong marekober ng mga pulis.
Natukoy ng PNP na may utang na 15,000 si Menes sa e-sabong operator.
Bago ito, si Menes ay nasa restrictive custody PRO 4A Camp Vicente Lim dahil umano sa pagkakadispalko ng kalahating milyong pisong buy-bust money.