
Binalaan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga retailer ng sigarilyo na tiyaking lehitimo at maayos ang pinanggagalingan ng kanilang mga produkto upang maiwasan ang pananagutan sa ilalim ng mahigpit na batas laban sa smuggling.
Ang paalala ng BOC ay kasunod ng pagkakadiskubre sa isang ilegal na pagawaan ng sigarilyo sa Mexico, Pampanga, kung saan ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, maaaring managot ang mga retailer na mahuhuling nagbebenta ng mga pekeng o smuggled na produkto.
Ayon pa kay Nepomuceno, walang piyansa ang paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, at ang sinumang mapatunayang sangkot—kabilang ang mga retailer—ay maaaring manatiling nakakulong habang nililitis ang kaso.
Nabatid na sa naturang operasyon, umabot sa mahigit ₱300 milyong piso ang halaga ng mga nakumpiskang makinang pang-sigarilyo, raw materials, at finished products na pinaniniwalaang smuggled.
Kaugnay nito, patuloy ang koordinasyon ng BOC sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang sugpuin ang ilegal na kalakalan ng sigarilyo at maprotektahan ang koleksiyon ng buwis, kalusugan ng publiko, at patas na kalakalan.










