Inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Orders o SARO na may halagang P7.68 bilyon.
Ayon kay Pangandaman, ang pondong ito ay para sa implementasyon ng Targeted Cash Transfer o TCT Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Tinatayang mahigit 7 milyong benepisyaryo ang inaasahang makikinabang mula sa TCT.
Matatandaang nang nakalipas na taon ay nakapagpalabas na ang DBM ng kabuuang P19.43 bilyon sa DSWD katumbas ng apat na buwan mula sa anim na buwang pondo na kailangan para sa TCT.
Ang P7.68 bilyong pondo na inaprubahan kamakailan lang ay sasakop sa natitirang dalawang buwan ng TCT.
Nagbibigay ang programa sa mga benepisyaryo ng P500 kada buwan, kasama na rito ang administrative cost at bank charges.
Sinabi pa ni Pangandaman na pinapakita lang nang pagpapalabas ng pondong ito na prayoridad ng pangulo ang pagkalinga sa mga Pilipinong nangangailangan.