Patuloy na itinutulak ni 3-Term Senator at Antique Lone District Rep. Loren Legarda ang pagbibigay ng dagdag na benepisyo sa mga solo parent sa bansa lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Nitong nakaraang buwan, naipasa sa Kamara ang House No. 8097 na layong amyendahan ang Republic Act 8972, o ang Solo Parents Welfare Act of 2000 na isa sa mga panukalang batas ni Sen. Legarda noon siya ay senador pa.
Sa interview ng RMN Manila, binigyan diin ni Sen. Legarda na dumoble ang hirap na pinagdadaanan ng mga solo parent ngayong panahon pandemya lalo na’t mag-isa nilang binabalikat ang mga gastusin upang itaguyod ang kanilang mga anak.
Ayon kay Sen. Legarda, sakaling maisabatas ang House No. 8097, makakatulong ito upang mabigyan ng karagdagang benepisyo ang mga solo parent sa bansa.
“Sana po’y makatulong ang ating mga dagdag na benepisyo na ito kapag ito’y naisabatas. Mas mabigat talaga ang pinagdadaanan ng ating mga solo parent o yung sinasabing mag-isa lang sa buhay na nagpapalaki ng anak sapagkat mag-isa kang kinakaharap ang mga gastusin at dumoble ang hirap ngayon panahon ng pandemya.” Ayon kay Sen. Legarda.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga single parent na kumikita lang ng P250,000 pababa kada taon ay kwalipikado sa 10% na discount sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak tulad ng damit, gatas, diapers, vitamins at gamot.
Libre rin ang mga ito sa medical, dental, diagnostic at laboratory services sa lahat ng pampublikong pagamutan.
Bukod dito, mayroon din scholarship program para sa mga solo parent at isa sa kanilang mga anak.
Kasabay nito, sinabi ni Sen. Legarda na sisilipin din niya kung kasama sa Solo Parents Welfare Act ang mga lolo at lola na nagpapalaki ng kanilang mga apo.
“Marami dyan, yung mga OFW lalo noh! Iniiwan nila sa kanilang mga magulang yung kanila anak. So I will have to check that sa original law kung sakop ang mga lolo at lola na nagpapalaki ng anak na hindi sa kanila, apo nila dahil yung magulang ay OFW.” ani sa senadora.