Iniimbestigahan na ng Commision on Human Rights (CHR) ang ginawang pag-aresto sa higit 90 magsasaka at land reform advocates sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac noong Huwebes.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline De Guia, bago pa man magpasaklolo sa komisyon ang mga militanteng grupo ay agad na silang nagpadala ng quick response team sa lugar upang imbestigahan ang pag-aresto sa tinaguriang ‘Tinang 83.’
Isa rin sa sinisilip ng CHR ay ang reklamong physical at mental abuse at maling pagtrato ng mga pulis sa mga inaresto habang sila ay nasa detention facility.
Aminado naman si De Guia na masyadong masalimuot at komplikado ang isyu lalo na pagdating sa usapin ng away sa lupa sa pagitan ng mga magsasaka at ng isang kooperatiba.
Nabatid kasi na kahit mayroon nang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ay hindi pa pormal na nai-install ng Department of Agrarian Reform ang rightful owner sa mga magsasaka.
Kasabay nito, umapela ang CHR sa DAR na pormal nang igawad ang lupa sa mga magsasaka upang maiwasan ang mga ganitong insidente.