Suportado ni Committee on Constitutional Amendments at Cagayan de Oro 2nd District Representative Rufus Rodriguez ang pagdaragdag ng Philippine-US Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites.
Sa katunayan, ay nais ni Rodriguez na mapabilang o masakop sa expanded EDCA sites ang mga lugar kung saan may nagaganap na pambu-bully o panggigipit ang mga Chinese sa mga Pilipinong mangingisda.
Pangunahing tinukoy ni Rodriguez ang Pag-asa Island na matatagpuan sa Palawan.
Paliwanag ni Rodriguez, bahagi ng ating pambansang interes na paigtingin ang partnership sa Estados Unidos na layuning hadlangan ang anumang posibleng pagsalakay ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Dagdag pa ng kongresista, posible rin ang pag-agaw ng Chinese sa mga maliliit na pulo na pag-aari ng ating bansa sa ilalim ng international law.
Kaugnay nito ay umaasa si Rodriguez na ang pinag-ibayong kooperasyon para idepensa ang WPS ay mag-uudyok sa administrasyong Marcos na payagan at suportahan ang oil exploration at gas sa Reed Bank malapit sa Palawan.