Patuloy na isusulong ni Three Term Senator at Antique Lone District Representative Loren Legarda ang #Bawalangplastic / #Walangplastikan na naghihikayat sa publiko na iwasan ang paggamit ng single-use plastic.
Sa interview ng RMN Manila, sinegundahan ni Senator Legarda ang pahayag ng Climate Change Commission at ni Secretary Carlos Dominguez, Chairperson-designate ng komisyon na ang plastik ang sumisira sa karagatan kaya mahalaga ang pagpasa ng batas hinggil dito.
“Ito’y nakakasakal po sa mga nahuhuli, mga kinakain natin mula sa Karagatan. Kung naaalala pa nyo noong panahon ng Bagyong Ondoy hanggang ngayon, ang mga baha, ang bilis-bilis sa mga kalsada, bakit? Dahil sa mga estero, sa mga kanal, sa mga tabing-dagat, sa mga lawa at ilog ay mayroon mga plastic na single use. Hindi ko sinasabing lahat ng uri ng plastic dahil hindi po maaari yun, pero yung mga single use o minsan lang gagamitin ay maaari naman pong resikulo,” ayon kay Sen. Legarda.
Una nang inihain ni Senator Legarda ang isa sa top ten bills sa Kamara na House Bill 635 na naglalayong iphase-out ng single use plastics at pagpapatayo ng Materials Recovery Facility (MRFs) para sa mga nire-recycle na gamit na single-use plastic.
Patuloy rin ang implementasyon ng Republic Act (RA) 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act, na akda ng Senadora na naghihikayat sa publiko na mag-segregate at mag-source o tamang pangangasiwa ng basura sa mga tahanan.
Batay sa pag-aaral ng United Nation Environment Programme (UNEP) noong 2018, 9% lamang ng plastic na ginawa sa buong mundo ang nare-recycle ng tama kung saan mahirap at matagal ang pade-decompose ng mga ito.
Habang sa report naman ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA), gumagamit ang mga Pilipino ng 59.7 bilyon na sachets, 17.5 bilyon ng shopping bags, 16.5 bilyon ng plastic labo bag at 1.1 bilyon ng diapers.
Bunsod nito, hinikayat ni Senator Legarda ang publiko na iwasan ang paggamit ng plastik at isapuso at isabuhay ang RA 9003 o ang pagse-segregate sa mga basura sa tahanan at pamayanan.
“Keep safe, keep our sanitation, kalinisan sa ating katawan, sa ating pamilya, sa ating kapaligiran dahil yan po ang magdudulot ng COVID recovery. At ang pagrecover po natin sa pandemya ay pangangailangan din ng ating kalikasan, kapaligiran. Ito po’y hindi isyu pang environmentalist, Ito po’y hindi isyu pang eksperto lang o advacate gaya ng inyong Senator Loren Legarda. Ito po’y isyu ng bawat Pilipino na makakatulong sa ating pamumuhay,” ayon kay Sen. Legarda