Isinusulong ng Bayan Muna Partylist sa Kamara ang tuluyang pagbabawal sa “premature campaigning” at pagtukoy sa “period of candidacy” para sa eleksyon.
Sa House Bill 10616 na inihain ng mga kongresista ng Bayan Muna, iginiit ng mga ito na dalawang buwan bago pa man ang nakatakdang election campaign period sa Pebrero, ay walang duda na nagsimula na nga ang maagang pangangampanya ng ilang mga kandidato.
Ilan dito ang mga dambuhalang billboards ng ilang indibidwal na kandidato at mayayamang partylists na makikita sa mga pangunahing kalsada at expressways gayundin ang mga campaign commercials sa telebisyon, radyo at social media.
Tinukoy ng Bayan Muna na ang premature na pangangampanya ay masama, hindi patas at dapat na tuluyang ipagbawal dahil ang mga mahihirap na kandidato at partylists ay naisasantabi at napanghihinaan.
Binanggit ng mga kongresista na nagsimula ang practice na ito sa Penera vs Comelec noong 2009 kung saan kahit nakapaghain na ng certificate of candidacy ang isang kandidato, hindi naman ito mapaparusahan sa premature campaigning dahil maikukunsidera pa lamang na kandidato ang isang tatakbo sa halalan kapag nagsimula na ang panahon ng pangangampanya.
Layunin ng panukala na maging patas ang “playing field” para sa lahat ng mga kandidato, sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga kalituhang resulta ng ilang probisyon ng Automated Election System Law.
Bubuhayin din nito ang “effectivity” ng Section 80 ng Omnibus Election Code, na hindi lamang nagdidiskwalipika sa sinumang kandidato dahil sa premature campaigning kundi ito ay ituturing ding krimen.