Pagbibitbit ng baril ng mga pulis kahit off duty, tama lang ayon kay PNP Chief Guillermo Eleazar

Hindi dapat iiwan sa mga opisina ang service firearm ng mga pulis kapag sila ay off duty.

Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar matapos ang insidente ng pamamaril at pagpatay ni Police Master Sergeant Hensie Zinampan sa 52-anyos na ginang sa Greater Fairview sa Quezon City nitong Lunes gamit ang kaniya mismong service firearm.

Paliwanag ni Eleazar kahit naka-off duty ang Pulis ay may tungkulin pa rin itong rumesponde sa anumang emergency partikular kung may krimen kaya’t makabubuting dala nito ang kaniyang baril bilang depensa.


Uubra lamang aniya ito para sa mga short firearms na inisyu ng PNP sa mga Pulis habang ang mga long firearm o ang mahahabang baril ay tama lamang na iniiwan sa opisina.

Pero ipinunto ng PNP Chief, kailangang nasa tamang pag-iisip ang pulis sa pagbibitbit ng kaniyang baril dahil kaakibat nito ang napakalaking pananagutan kapag ginamit sa katiwalian o kabulastugan.

Facebook Comments