Pagbubukas ng LRT Line-2 extension bukas, hindi muna matutuloy

Ipinagpaliban muna ang pagbubukas ng Light Rail Transit (LRT) Line-2 extension na nagdudugtong sa mga istasyon ng Santolan hanggang Antipolo na nakatakda sana bukas, Hunyo 22.

Batay sa kalatas na ipinalabas ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA), hindi pa kasi nakukumpleto ng kanilang contractor ang signalling migration, gayundin ang iba pang integration works at preparatory activities nito.

Dahil diyan, kinailangan muna na palawigin ng dalawang linggo ang nasabing aktibidad kaya’t kanilang iniurong sa Hulyo 5 ang pagbubukas ng nasabing proyekto.


Ayon pa sa LRTA, mahalaga ang signalling system para sa maayos na pagtakbo ng mga tren sa linya na mayruong kontroladong bilis at tamang pagpoposisyon nito sa platform.

Maliban dito, natagalan din ang pagdating ng mga foreign technical experts na siyang mangangasiwa sa nasabing mga aktibidad bunsod na rin ng nararanasang pandemiya sa COVID-19.

Facebook Comments