Paggamit sa Pfizer at Moderna bilang booster shot sa mga nabakunahan ng Sinovac at AstraZeneca, hiniling na pag-aralan ng pamahalaan

Hiniling ni Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera na pag-aralan ng pamahalaan ang paggamit sa Pfizer at Moderna bilang booster shot sa mga Pilipinong nabakunahan ng Sinovac at AstraZeneca.

Partikular na pinakikilos dito ang Department of Health (DOH), Department of Science and Technology (DOST) at Food and Drug Administration (FDA) para pag-aralan ang booster shot ng Pfizer at Moderna.

Ayon kay Herrera, ang ibang regulatory agencies at vaccine experts sa ibang mga bansa ay isinasailalim na sa clinical trials ang Pfizer vaccine para suriin ang efficacy nito bilang booster shot sa mga taong naturukan na ng ibang COVID-19 vaccine.


Ilan sa mga bansa na nasa ilalim na ng pag-aaral na ito ang Estados Unidos, United Kingdom, Spain at India.

Mainam aniya na pag-aralan na rin ng mga siyentistang Pilipino ang posibilidad sa paggamit ng Pfizer at Moderna booster shots para madagdagan ang naibibigay na proteksyon partikular sa mga healthcare frontliner.

Aniya, mayroong potensyal na malaki ang maitutulong ng booster shot sa mga nabakunahan ng COVID-19 vaccine dahil sa dumarami ang suporta mula sa vaccine science community at makatutulong ito para mapahaba ang bisa ng bakuna laban sa mga nagsulputan ngayon na mga bagong variant ng sakit.

Facebook Comments