Pagpapaimbestiga sa budget process, pag-aaralan ng minorya sa Senado

Bukas si Senate Minority Leader Koko Pimentel na paimbestigahan ang budget process lalo na kapag humahantong na sa Bicameral Conference Committee ang General Appropriations Bill.

Napuna ni Pimentel na sa ilalim ng National Expenditure Program na proposal ng ehekutibo at sa GAB versions ng Kamara at Senado ay wala naman ang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program na mayroong P26.7 billion na pondo para sa 2024.

Hinala ng senador, mistulang kumikilos bilang third house ang Bicam na sa halip na pagkasunduin ang contentious issues sa budget ay nagsingit sila ng bagong programa sa 2024 budget na hindi dumaan sa anumang pagtalakay ng Kongreso.


Dahil dito, tiniyak ni Pimentel na ipasisiyasat sa Senado ang isyu upang mabusisi kung ano na ba talaga ang nangyayari sa proseso ng budget upang malaman ang mga kahinaan at ano pang dapat na ayusin.

Pinag-aaralan din ng mambabatas ang pagkwestyon sa Korte Suprema ng proseso ng budget sa Bicam at ang muling pagbukas sa media ng final report ng Bicam para sa full transparency ng inaprubahang pambansang pondo.

Facebook Comments