Ikinalugod ng Gabriela Women’s Party sa Kamara ang tuluyang pagsasabatas sa Expanded Solo Parents’ Welfare Act na nag-aamyenda sa Republic Act 8972.
Ilang araw bago bumaba sa pwesto si outgoing President Rodrigo Duterte ay nilagdaan nito para maging batas ang panukala na nagpapalawak sa matatanggap na benepisyo ng mga single o solo parent.
Tiniyak ng Gabriela na patuloy silang aktibong lalahok sa pagbalangkas ng mga implementing rules and regulations (IRR) ng batas upang matiyak ang madaling pagkuha ng mga karagdagang benepisyo ng solo parents.
Kabilang naman sa mga prebilehiyo at benepisyo na matatanggap na ng mga solo parents ay ang dagdag na “paid work leave”, scholarship para sa mga anak nitong edad 22 pababa at P1,000 subsidy kada buwan para sa mga solo parent na wala pa sa minimum na sahod ang kinikita.
Habang bibigyan naman ng 10% diskwento at exemption sa value added tax o VAT ang mga solo parents na may taunang kita na aabot sa P250,000 sa mga produkto gaya ng gatas, diapers, gamot, medical supplies, pagkain at supplements para sa mga anak nitong anim na taon pababa.
-00-