Ikinakaalarma ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang tumataas na kaso ng COVID-19 sa Northern Mindanao.
Kaugnay nito ay hiniling ni Zubiri sa Inter-Agency Task Force (IATF) na agad aksyunan at kontrolin ang sitwasyon ng COVID-19 sa rehiyon bago mahuli ang lahat.
Binanggit ni Zubiri na base sa report ng regional IATF, sa nakaraang dalawang linggo ay tumaas ng 300 percent ang COVID-19 cases sa Lanao del Norte habang mula sa 100 noong Marso ay tumaas naman sa 962 ang nahawaan ng virus sa Cagayan de Oro nito lamang weekend.
Ayon kay Zubiri, ang medical frontliners naman sa Bukidnon ay hirap na ring tugunan ang biglaang pagdami ng COVID-19 patients kung saan napupuno na ang mga ospital.
Pakiusap ni Zubiri sa IATF, magpatupad ng mahigpit na patakaran sa Northern Mindanao, i-adjust ang quarantine classification, at ikasa rin ang localized lockdowns sa mga lugar na may nakababahalang paglobo ng COVID-19 cases.