Naniniwala si Senator Imee Marcos na ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ay maaaring tugon sa panawagan para sa “blanket immunity” ng ilang gumagawa ng bakuna na malinaw na kontra sa batas at public policy.
Reaksyon ito ni Marcos sa sinabi ni Pangulong Duterte na hindi pwedeng panagutan ng gobyerno ang lahat ng bayad-pinsala sa mga bakunang bibilhin ng pribadong sector.
Ayon kay Marcos, ang Vaccination Law na ipinasa kamakailan ng Kongreso at nilagdaan ni Pangulong Duterte noong February 26 ang naglilimita ng exemption o pagkakaligtas sa kaso.
Tinukoy ni Marcos na sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act, ang mga gumagawa ng mga bakuna ay hindi makakasuhan sa mga reklamong dulot ng COVID-19 vaccine, maliban lang sa sinasadyang kapabayaan.
Gayunman, binigyang-diin ni Marcos na sinumang nabakunahan ay maaaring maghain ng reklamo kung makaranas ng pinsala sa katawan, na dapat panagutan ng alinmang manufacturer ng bakuna mula sa maling pag-uugali at labis na kapabayaan.
Giit ni Marcos, walang sinumang indibidwal ang maaaring alisan ng karapatang maghain ng reklamo.