Pangulong Duterte, nanindigang wala siyang nilabag nang turukan siya ng Sinopharm vaccine

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring iturok sa kanya ang gusto niyang COVID-19 vaccine dahil “buhay niya ito.”

Ito ang sinabi ng Pangulo matapos humingi ng patawad nang maturukan ng Sinopharm vaccine na wala pang regulatory approval mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Sa kanyang public address kagabi, sinabi niya na desisyon ng kanyang doktor na bakunahan siya gamit ang Sinopharm.


Inirekomenda sa kanya ang nasabing brand lalo na at ginagamit na rin ito sa ibang bansa.

Pero nanindigan si Pangulong Duterte na wala siyang nilabag na batas kahit wala itong emergency use authorization (EUA) mula sa FDA.

Sa ilalim aniya ito ng compassionate special permit (CSP) na ipinagkaloob ng FDA sa Presidential Security Group (PSG) noong Pebrero.

Sa ngayon, sinabi ni Pangulong Duterte na kailangang hintayin ng publiko ang pagdating ng Sinovac, na kasalukuyang ginagamit sa vaccination efforts ng pamahalaan.

Facebook Comments