Sisertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent measure ang panukalang batas na magbibigay sa kanya ng anti red tape emergency powers sa panahon ng national emergency na pasado na sa ikalawang pagbasa ng Senado.
Sinabi ito ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2021 budget para sa Office of the President.
Ayon kay Medialdea, ito ay tugon ng Pangulo sa hiling ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na sertipikahang urgent ang panukala para agad maaprubahan ng Senado sa third and final reading.
Layunin ng panukala na pabilisin o bawasan ang ilang requirements para sa transaksyon sa gobyerno tulad ng pagkuha ng lisensya, permit at certifications na makakatulong ng malaki lalo na sa pagnenegosyo na daan para makabangon ang ekonomiya mula sa pandemya.
Samantala, mabilis namang naaprubahan ng Senate Finance Committee ang P8.23 billion na panukalang pondo ng Office of the President sa susunod na taon.
Kasabay nitong inaprubahan ang P715.6 million na proposed budget para sa Presidential Management Staff o PMS na syang technical assistance arm ng tanggapan ng Pangulo.