Panukala para sa pagbuo ng Department of Disaster Resilience, ipinapaubaya na sa susunod na Kongreso

Ipinauubaya na sa susunod na Kongreso ang pagpapatibay sa panukalang pagtatatag sa “Department of Disaster Resilience” (DDR).

Ang reaksyon ay kasunod ng muling pag-aalburuto ng Bulkang Taal, kung saan maraming residente at kabuhayan ang apektado.

Umaasa naman ang mga kongresista na magiging prayoridad ng 19th Congress ang panukalang batas na layong makabuo ng isang pangunahing ahensya na tututok sa mga epekto ng kalamidad.


Napapanahon pa naman sana itong mabuo lalo’t ang Pilipinas ay “prone” o madalas na nakararanas ng iba’t ibang kalamidad gaya ng bagyo, lindol, pagputok ng bulkan at iba pa.

Ang panukalang DDR, na isa sa “priority measures” ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pasado na sa Mababang Kapulungan.

Magkagayunman, nananatili naman itong nakabinbin sa Senado at binanggit ng liderato roon na mukhang hindi na ito makakapasa sa nalalabing panahon ng 18th Congress dahil mangangailangan pa ito ng matinding deliberasyon sa plenaryo.

Facebook Comments