Parañaque LGU, maghihigpit na sa mga magtutungo sa kanilang vaccination sites

Ipatutupad na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang “No SMS Text, No Entry” sa pagpunta sa itinalaga nilang vaccination sites.

Ito’y upang maiwasan ang biglaang pagdagsa ng mga tao tulad ng nangyari nitong mga nakaraang araw sa isang mall na ginawang vaccination sites sa lungsod.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, kinakailangan nang ipakita ng mga residente ang text message mula sa lokal na pamahalaan para makapasok sa loob ng vaccination sites.


Aniya, halimbawa sa mga katibayang ipapakita ay ang kanilang patient ID number at slot number mula sa text message na kanilang natanggap.

Dagdag pa ng alkalde, ang mga indibidwal na nasa A1 category o mga healthcare worker ay kailangan ipakita ang photocopy ng kanilang PRC ID o certificate of employment na nagpapatunay na nagta-trabaho sila sa isang health facility sa lungsod kasama ang valid ID’s na naka-address sa Parañaque.

Ang mga nasa A2 category o mga senior citizen, ay kinakailangan magpakita rin ng photocopy ng kanilang OSCA ID na ang address ay mula sa Parañaque at medical clearance na magpapatunay na ligtas silang tumanggap ng bakuna.

Sinabi pa ni Olivarez na ang mga nasa A3 category o persons with comorbidities ay kinakailangan magdala ng photocopy ng kanilang medical certificate na inisyu sa loob ng 18 buwan at medical prescription na inisyu naman sa loob ng anim na buwan kasama ang photocopy ng valid ID na naka-address din sa lungsod ng Parañaque.

Facebook Comments