PBBM, hindi pa nakakapagdesisyon kung tatanggapin ang imbitasyon ng pamahalaan ng Switzerland

Wala pang desisyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung tatanggapin ang imbitasyon ng gobyerno ng Switzerland na dumalo sa World Economic Forum sa kanilang bansa.

Ayon sa pangulo, masyado na siyang maraming biyahe kaya pag-iisipan niya kung tatangapin ang imbitasyong ito.

Ang pangulo ay nakatakdang tumungo sa Brussels, Belgium sa December 14 at December 15 para dumalo sa dalawang araw na ASEAN – European Union Summit.


Habang mula January 3 hanggang January 6 naman ay nakatakdang magsagawa ng state visit ang pangulo sa China matapos na tanggapin nito ang imbitasyon ng gobyerno ng China.

Sinabi ng pangulo na bukod sa dahilan na marami siyang nakatakdang mga biyahe, kailangan din aniyang ikonsidera kung gaano kahanda ang Pilipinas sakaling mas dumami ang mga foreign investors na nais magnegosyo sa Pilipinas.

Ang pinakadahilan aniya kasi ng forum ay upang mas maraming mahikayat na investors para sa Pilipinas.

Bukod naman sa China, marami raw natanggap na imbitasyon ang pangulo mula sa ibang lider sa ASEAN, ilan dito ay ang Vietnam at Brunei pero kailangan lang aniya maitakda ito ng maayos sa susunod na taon.

Facebook Comments