
Sa pulong balitaan na ginanap sa Kampo Krame, sinabi ni Bulacan Provincial Director Police Col. Angel Garcillano na itinuturing na accomplice ang peryodistang ama ng isa sa mga naarestong suspek sa pagpaslang kay Police Senior Sgt. Renato Casauay na natagpuan sa isang septic tank sa Bulacan.
Ayon kay Garcillano, pinagbasehan nila ang extrajudicial confessions ng mga naunang suspek na naaresto.
Kung saan nabanggit na pinuntahan nila ang tatay na peryodista at anak nito kung saan pinaalam na may namatay sa loob ng kanilang vicinity.
Nagalit pa umano ang tatay at nang tanungin kung ano ang gagawin, sinabi umano nito na tanggalin ang bangkay ng pulis sa kanilang lugar dahil mangangamoy.
Nabatid na pito na ang naaresto kabilang ang pangunahing suspek sa pagpaslang sa nasabing pulis habang apat pa ang pinaghahanap ng mga awtoridad ngayon kung saan kasama rito ang nasabing peryodista.










