Hindi tumitigil ang Philippine Army 9th Infantry “Spear” Division sa pagsasagawa ng Humanitarian and Disaster Response (HADR) operations katuwang ang Albay Local Government Unit (LGU) kasunod nang patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Army Commanding General Lt. Gen. Romeo S. Brawner Jr. tumulong ang mga sundalo na magdala ng mga relief goods sa mga bakwit.
Nagbigay din ng seguridad ang kasundaluhan sa ikinasang dental at medical mission sa lalawigan.
Maliban dito, dinala rin ng military trucks ang 430 sako ng National Food Authority (NFA) rice sa warehouse na syang ipinamamahagi na ngayon sa mga apektadong residente.
Katuwang din ang Philippine Army sa pag-unload ng mga family food packs na mula naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nabatid na naglalabas pa rin ng lava ang Mayon at nananatili itong nasa Alert Level 3.
Kasunod nito, nangako si Brawner na hindi iiwanan ng mga sundalo ang mga apektadong residente ng Albay bilang bahagi ng kanilang misyon at serbisyo publiko.