Sinabi ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na ramdam niya kung gaano kasakit ang mawalan ng anak bilang isang magulang din kaya ganoon na lamang ang sakripisyo niya sa pagligtas ng mga biktima ng kidnap-for-ransom noong miyembro pa siya ng kapulisan.
Sa nakaraang Facebook post, muling sinariwa ni Lacson ang naging pag-rescue niya sa noo’y limang-taong gulang na si Emmanuel o Emman, anak nina Edward at Elsie Lee na mula sa maimpluwensiyang angkan ng mga Gaisano sa Cebu.
“Bakit ko binubuwis ang buhay ko para sa ibang tao? Kasi magulang din ako. At alam kong masakit para sa isang magulang ang mawalan ng anak, lalo na kung dahil pa sa kriminalidad,” paglalahad ni Lacson kalakip ang larawan nila ni Emman na kinunan matapos siyang ma-rescue noong 1989.
“Five years old pa lang si Emman dito sa litratong ito na kinuha pagkatapos namin siya maligtas mula sa mga kidnappers,” dagdag niya. Muli silang nagkita nito lamang Disyembre, 32 taon mula nang mangyari ang insidente, nang dumalaw si Lacson at ang Partido Reporma sa lungsod ng Dumaguete.
Sa isang talumpati sa harap ng grupo ng mga negosyante sa nasabing lungsod noong Disyembre 11, sinabi ni Lacson na palaging bumabalik ang alaala ng kanyang pag-rescue kay Emman tuwing bumibisita siya sa lungsod ng Cebu.
Nangyari ang pagsagip niya sa nakababatang Lee noong siya ay lieutenant-colonel pa lamang at kumander ng Cebu MetroDisCom (Metropolitan District Command) sa ilalim ng dating Philippine Constabulary, kung saan siya nagsilbi mula 1989 hanggang 1992.
“One day after I took over, a kidnap-for-ransom case happened. It involved a very young man. Ang sabi ko sa Cebu, 9 years old. Kanina when I saw him, sabi ko ‘you must be 41 years old now.’ Sabi niya, ‘No, I’m only 37.’ ‘Yun pala, 5 years old lang siya. You know, and he is here right now, si Emman Lee,” saad ni Lacson sa mga dumalo sa pagtitipon.
Mismong si Lacson ang nagdala kay Lee sa kanilang bahay sa Guadalupe, Cebu City matapos ang matagumpay na pagsagip sa kanya mula sa kamay ng mga kidnapper, sa tulong din ng 40 miyembro ng kapulisan mula sa MetroDisCom.
“I wrapped him in a bed sheet, ‘di ba Emman? And then after that, one of the Gaisano tycoons… approached me and whispered to me: ‘You know, Colonel, we have something for you as a reward.’ Parang reward money ba. ‘For the rescue of Emman,’” aniya.
Pero dahil sa kanyang sinusunod na prinsipyo hindi tinanggap ni Lacson ang alok na pamilya ni Emman. Gayunman, mismong ang mga magulang na nito na sina Edward at Elsie ang kumumbinsi sa kanya na tanggapin ang kanilang alok na pabuya.
Kuwento ni Lacson, sinabihan kasi siya na tradisyon na sa kanilang pamilya na kapag may nangyaring masama sa isang tao at may numero ‘9’ sa kanyang kaarawan, kailangang maglabas ng pera ng pamilya upang hindi na maulit ang malas. Si Edward ay 39-anyos ‘nung panahon na ‘yon
“I don’t know if it is true, but it is their tradition according to them, and they even used Eddie Gaisano to talk to me privately,” dagdag ni Lacson. Kilala ang mga pamilyang Tsinoy sa Pilipinas na mahigpit na sumusunod sa mga tradisyong namana pa nila sa kanilang mga ninuno.
Sabi umano ni Gaisano kay Lacson, “Colonel, if you don’t accept the reward money, baka ikaw pa masisi ‘pag more bad luck would come into the lives of the Lee family,” bagay na nagtulak sa senador upang pag-isipan nang mabuti ang ginawa niyang pagtanggi.
“OK, I was scratching my head and I told them, I told Eddie Gaisano, ‘OK, ganito na lang, para maka-comply sila, and para maka-comply din ako sa aking advocacy, sabi ko let’s give each and every (Metrodiscom) operative one peso,’” mungkahi ni Lacson.
“So, ‘di ba, you donated 40 pesos to the Metrodiscom operatives who participated in the rescue operation? But hindi rin makatulog sina Elsie, sabi naman: ‘Baka pwede kami mag-donate ng radio, not to you, but to the office.’ Sabi ko: ‘Pag ganyan OK lang,’” dagdag pa ng senador.
Si Emman at ang kanyang pamilya ay ilan lamang sa mga nagpapatotoo kung gaano kaseryoso si Lacson sa pagganap ng kanyang mga sinumpaang tungkulin. Suportado nila ang kanyang muling pagsabak sa pagkapangulo ngayong Halalan 2022.
Kabilang sa mga isinusulong na plataporma ni Lacson kasama ang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang pagsugpo sa kriminalidad at korapsyon kaakibat ang mga mensaheng “Aayusin ang Gobyerno” at “Uubusin ang Magnanakaw.”