PNP, tiniyak na walang magiging cover-up sa pagkamatay ng lalaking may autism sa Valenzuela

Tiniyak ni Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar na walang magiging cover-up sa imbestigasyon sa pagkamatay ng 18-anyos na lalaking may autism sa Valenzuela City.

Kasunod ito ng pagpasok na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsisiyasat kung saan binisita na nito kahapon ang pamilya ng biktimang si Edwin Arnigo para sa impormasyon.

Ayon kay Eleazar, kailangang mapanagot ang sinumang may kagagawan sa pangyayari.


Ito rin ang pangakong binitiwan ni Eleazar sa ina ni Edwin na si Helen Arnigo nang bumisita ang hepe sa lamay ng biktima.

Pagtitiyak naman ni Eleazar, nagsasagawa na ng magkahiwalay na imbestigasyon ang PNP Internal Affairs Service (PNP-IAS) at ang Northern Police District (NPD) kaugnay sa insidente.

Sa ngayon, natapos na ang autopsy sa katawan ni Arnigo at nakatakda nang isagawa ang paraffin test sa biktima.

Sa Linggo nakatakda ang libing ni Arnigo.

Facebook Comments