Publiko, pinag-iingat kontra monkeypox virus ng Malacañang

Pinag-iingat ng Malacañang ang publiko kontra monkeypox virus.

Ito ay matapos na kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na mayroon nang isang kaso ng monkeypox virus sa bansa matapos magpositibo rito ang isang 31 taong gulang na Pilipino mula sa ibang bansa.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, bagama’t hindi masyadong nakakahawa at hindi rin nakamamatay, panawagan pa rin ng Malacañang sa publiko na dapat mag-ingat.


Aniya, hindi katulad ng Coronavirus disease ang monkeypox virus kaya hindi raw ito makaaapekto sa buong populasyon ng bansa.

Ngunit utos aniya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na dapat may tamang impormasyon ang publiko kaugnay rito para maging aware at makaiwas sa virus.

Sa ngayon ayon kay Atty. Angeles, in place ang surveillance system ng DOH para ma-detect at makumpirma ang monkeypox virus sa bansa.

Una nang sinabi ni Dr. Beverly Ho ng DOH na ngayong may kaso na ng monkeypox sa bansa ay dapat na mas maging malinis sa katawan, palaging magsuot ng face mask at palaging piliin ang mga lugar na mayroong magandang ventilation o airflow.

Facebook Comments