Tiniyak ngayon ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na masisibak sa serbisyo at kakasuhan ang pulis na nag-viral sa social media matapos na barilin ang 52-anyos na lola sa Sitio Ruby, Barangay Greater Fairview sa Quezon City.
Sa press conference, agad na iniutos ni Eleazar kay Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Antonio Candido Yarra ang pagsasampa ng murder case laban kay Police Master Sergeant Hensie Zinampan ng Police Security and Protection Group.
Base sa viral video sa social media, sinabunutan at binaril sa leeg ang lolang si Lilybeth Valdez ng lasing na pulis na nakaalitan ng kanyang anak.
Kasabay ng pagtitiyak na gagawin ang lahat ng para hindi na ito maulit at malinis ang hanay ng kapulisan, nagbigay ng pakikiramay si Eleazar sa pamilya ng biktima at taos-pusong humingi ng paumanhin sa karumal-dumal na ginawa ng pulis.
Sa ngayon ay nai-turn over na si Zinampan sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Camp Karingal.