Magtatagal ng hanggang sa September 2, 2022 o sa susunod na Biyernes ang pagbibigay ng road assistance ng Land Transportation Office (LTO).
Ito’y sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante lalo na ang mga nasa grade school at mga kindergarden level.
Ayon kay Atty. Clarence Guinto, director ng LTO-National Capital Region Office-West, ang nasabibg programa ay ipinag- utos ni LTO Chief Atty. Jojo Guadiz III.
Nais kasi ni Guadiz na tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante, papasok at pauwi ng kanilang mga tahanan.
Dagdag pa ni Guinto, ang lahat ng LTO-Mobile Patrol Units, Motorcycle Units at ang LTO-Lady Enforcers ang magbibigay ng assistance sa mga estudyante, teachers, pedestrians at mga motorista.
Titiyakin din ng LTO na walang mga obstructions sa paligid ng mga eskwelahan, tulad ng mga illegal parking, barkers at anumang mga sagabal sa paligid ng mga paaralan upang maiwasan ang mga aksidente.
Nagbabala naman ang LTO sa mga magulang na iwasang isakay ang kanilang mga anak sa motorsiklo ng walang helmet o pagsasakay ng tatlo o apat na backride.
Mula umaga hanggang alas-9:00 ng gabi ang oras ng operasyon ng LTO upang tiyaking ligtas sa kapamahakan ang lahat ng mga estudyante papauwi matapos ang klase partikular ang mga pang-gabi.