
Pinaghahandaan na ng Sandiganbayan ang continuous trial para sa kaso ng anomalya sa flood control project, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Iyan ang kaniyang naging pahayag sa pulong-balitaan kaninang tanghali matapos ang pag-turnover ng Department of Justice (DOJ) ng mga kaso sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Remulla, marami silang ilalatag na kaso sa Sandiganbayan kung saan posibleng may masangkot na matataas na opisyal.
Dahil dito, kinakailangan din nilang mangalap pa ng karagdagang ebidensya.
Dagdag pa niya, marami na siyang natanggap na data na nagpapakita na nagkaroon ng mga transaksyon sa mga sangkot sa korapsyon.
Samantala, inirekomenda ng DOJ ang pagsasampa ng kasong graft, malversation, perjury, at falsification of public documents laban sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng Bulacan First District Engineering Office at sa mga kontratistang sangkot sa katiwalian sa flood control projects.









