Senador, pinasisiguro sa BI na hindi na makababalik sa bansa ang POGO foreign workers

Pinatitiyak ni Senator Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na hindi magkakaroon ng pagkakataon na makabalik sa bansa ang mga dayuhang dating nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operator o POGO.

Kasunod nito ay pinuri ng mambabatas ang Bureau of Immigration (BI) sa desisyong palakasin ang deportation protocols sa pamamagitan ng pag-ban ng mga layover o stopover flights sa dating POGO workers.

Naniniwala si Gatchalian na ang reporma sa polisiyang ito na unang inirekomenda ng senador ay isang mahalagang hakbang para masigurong ang mga deportees ay direktang maibabalik sa kanilang bansa at hindi makakatakas sa batas.


Ang deportation aniya ay patunay na ang POGO workers ay sangkot sa iligal na gawain at may nilabag sa kanilang Immigration status.

Babala ng mambabatas, kung hindi maide-deport nang maayos, tiyak na ang POGO workers na ito ay magpapatuloy sa mga gawaing labag sa batas kaya marapat lamang tiyakin na hindi na makakabalik ang mga ito sa Pilipinas.

Facebook Comments