Senadora Pia at grupo ng mga doktor, nanawagan kay Pangulong Duterte na i-veto ang Vape Bill bago bumaba sa pwesto

“I-veto ang Vape Bill!”

Ito ang panawagan nina Senadora Pia Cayetano at grupo ng mga doktor kay Pangulong Rodrigo Duterte bago ito bumaba sa pwesto sa Hunyo 30.

Naunang inihayag ni Senadora Cayetano nitong Biyernes, Hunyo 24, na opisyal ng nai-transmit ng House of Representatives ang enrolled copy ng Vape Bill sa tanggapan ng pangulo sa Malacañang.


Dito ay kinuwestyon ng senadora ang ‘last-minute’ transmittal ng Kamara, kung saan may tatlong ‘working days’ na lang ang natitira sa termino ni Pangulong Duterte.

Nabatid din na limang buwan na ang lumipas mula nang ipasa ng Kamara at Senado ang bicam version ng kontrobersyal na panukala noong Enero 26.

Samantala, sabay ring nanawagan ang grupo ng mga doktor para i-veto ng Vape Bill dahil sa ‘malaking banta’ nito sa kalusugan ng mamamayan.

 

Sa panayam ng RMN Manila kay Philippine Pediatric Society Tobacco Control Advocacy Group Chairperson Dr. Rizalina Gonzalez, dapat dalhin na sa harapan ni Pangulong Duterte ang Vape Bill para i-veto.

Posible rin aniyang may humaharang sa panukalang batas na ito kung kaya’t tumatagal ang pag-veto ng pangulo.

Dagdag pa ni Gonzales na naniniwala siyang pagbibigyan ni Pangulong Duterte ang kanilang panawagan dahil kilalang anti-smoking advocate ang pangulo.

Bukod dito, nagbabala rin sina Dra. Maricar Limpin, Dr. Ulysses Dorotheo, Dra. Racquel Gonzalez, at Dr. Kenneth Hartigan-Go, na pahihinain ng Vape Bill ang kasalukuyang regulasyon ng gobyerno sa pamamagitan ng paglilipat ng awtoridad sa e-cigarettes mula sa Food and Drug Administration (FDA) patungo sa Department of Trade and Industry (DTI).

Anila, hihikayatin ng Vape Bill ang mga kabataan na malulong sa e-cigarettes sa pamamagitan ng pagpapababa ng ‘minimum age of access’ sa naturang mga produkto, mula sa 21 taong gulang sa ilalim ng Sin Tax Law tungo sa 18 taong gulang.

Dagdag ng mga doktor, pahihintulutan din ng Vape Bill ang pagbebenta ng iba’t ibang vape flavors para maakit ang mga kabataan.

Taliwas ito sa kasalukuyang regulasyon na naglilimita lamang sa dalawang flavors ng vapes, kabilang ang plain menthol at plain tobacco.

Facebook Comments