Nagkasagutan sina Senator Raffy Tulfo at Senator Cynthia Villar kaugnay sa conversion ng mga farmlands tungo sa residential at commercial lands.
Sa pagtalakay sa panukalang 2023 budget ng Department of Agriculture (DA), nakwestyon ni Tulfo ang DA kung ano ang ginagawa ng ahensya sa lumiliit na mga lupang sakahan dahil binibili ng mga malalaking developer at ginagawang residential at commercial area.
Kinontra naman ni Villar ang pahayag ni Tulfo na mga farmlands ang binibili ng mga property developers.
Giit ni Villar na nagmamay-ari ng isa sa pinakamalaking property developer sa bansa, bilang negosyo nila ito ay hindi sila bumibili ng agricultural land dahil wala namang bibili roon ng bahay at sa mga capital towns at mga siyudad sila bumibili ng lupa.
Pinasinungalingan naman ito ni Tulfo at sinagot si Villar na may mga ebidensya siya na kino-convert talaga ang mga farmlands sa mga subdivision na nangyayari sa maraming lugar.
Katwiran naman ni Villar, dapat unawain ni Tulfo na ang agrikultura ay isa ring negosyo at kung hindi magtatayo ng mga subdivision ay saan naman aniya titira ang mga tao.
Sa gitna ng pagtatalo ng dalawang senador ay sinuspendi ang sesyon at nang bumalik ay sinabi na lamang ni Tulfo na magpi-privilege speech siya tungkol dito.