Isinapubliko ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang Certificate of Recognition na ibinigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kaniyang performance sa pamamahagi ng ayuda , dalawang buwan na ang nakalipas.
Sa nasabing sertipiko, kinilala ng DILG ang mabilis at mahusay na pamamahagi ng cash aid ni Moreno sa kaniyang nasasakupan sa kabila ng kinakaharap na pagsubok bunsod ng COVID-19 pandemic.
Inilabas ni Moreno ang mga awards matapos banggitin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ulat sa bayan kagabi na may isang alkalde sa Metro Manila ang hindi papayagang magpamahagi ng ayuda sa kaniyang mga residente.
Sa halip, ang DILG at DSWD ang mamamahala sa pamamahagi ng ayuda sa lungsod.
Sa kabila nito, inihayag ng Department of Social Welfare ng Maynila na nakahanda na sila sa nakatakdang distribusyon ng ayuda.