Sim card registration law, walang paglabag sa privacy ayon sa PNP

Walang nakikitang paglabag ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa right to privacy ang Sim Card Registration Law, taliwas sa sinasabi ng mga kritiko ng batas.

Ayon kay PNP-ACG Spokesperson Lt. Michelle Sabino, walang pinagkaiba ito sa pagbibigay ng pangalan para sa serbisyo ng landline, na naka-publish pa sa directory.

Dagdag ng opisyal, mayroon nang mga proseso para pangalagaan ang nasabing impormasyon at dokumentado ang kilos ng mga ahensya na nag-iingat nito.


Isa aniya ang ACG sa sumuporta sa pagpasa ng panukalang batas dahil makakatulong ito sa pagkilala ng mga kriminal na gumagamit ng pre-paid sim para sa mga online transactions.

Karamihan aniya sa mga reklamong natatanggap ng ACG ay online-estafa at identity theft, kung saan matapos na makunan ng pera ang biktima, ay tinatapon na lang ng mga scammer ang pre-paid sim.

Sa mga insidenteng ganito, sinabi ng opisyal na inire-report sa kanila ang ginamit na numero, pero pahirapan ang pag-trace kung sino ang gumamit nito.

Facebook Comments