Sitwasyon ng provincial buses at paglipana ng mga colorum na van, pinapaimbestigahan sa Kamara

Pinasisilip ngayon ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo sa House Committee on Transportation ang sitwasyon ng mga operator at iba pang empleyado ng mga provincial bus ngayong may pandemya.

Sa inihaing House Resolution No. 1803, tinukoy ni Salo na dahil sa patuloy na implementasyon ng travel restrictions ay maraming provincial bus units pa rin ang hindi nakakapasada.

Dumaranas na aniya ng kahirapan ang mga bus operator, drivers at mga konduktor dahil apektado pa rin ang kanilang hanapbuhay.


Kasabay nito ay pinaiimbestigahan din ni Salo ang talamak na operasyon ng mga colorum na van na sobra-sobra kung maningil sa mga commuter na pauwing probinsya matapos makatanggap ang kongresista ng mga sumbong tungkol dito.

Hiniling ng mambabatas sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kung maaari ay bigyan na ng permiso na makabalik sa operasyon ang provincial buses basta’t sila ay tatalima sa health protocols na ipinapatupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Department of Health (DOH).

Facebook Comments