Cauayan City, Isabela- Naitala ng LGU Lagawe ang unang kaso ng pagkamatay dahil sa COVID-19 ng bawian ng buhay ang isang 34-anyos (LAGAWE 65) na babae na residente ng Barangay Poblacion North pasado alas-4:30 kaninang madaling araw.
Sa abiso ng health authorities, isinailalim sa swab test ang pasyente noong March 24,2021 at nagpositibo sa COVID-19 (SARS-CoV-2 VIRAL RNA) nitong March 29.
Base sa contact tracing report, posibleng nahawa ang pasyente sa mga naunang nagpositibo sa virus nitong March 14,2021 kung saan nakaranas ito ng sintomas gaya ng pag-uubo, sipon na nauwi sa pananakit ng ulo hanggang sa panghihina ng katawan.
Nitong March 31, nakaranas ng palpitation at pagbagsak ng pangangatawan ang pasyente at maikatergorya ang kanyang pagkahawa sa third level transmission, base sa paunang imbestigasyon.
Kaugnay nito, March 31 rin ng ma-admit ito sa Panopdopan District Hospital hanggang sa bawian ng buhay ngayong araw, Abril 6.
Sa official advisory, sinabi ni Mayor Martin Habawel Jr. na huwag gawing biro ang sakit na COVID-19 bagkus sundin ang ipinatutupad na health protocol para makaiwas sa hawaan.